Kaisipang pang-araw araw sa buhay ng isang musmos
March 20, 2010Tinanong ako ng kuya ko kung magkano ang damit na suot suot ko. Sabi ko 300 pesos. Bigla syang bumanat sa akin na “ay peke yan”. Agad akong napaisip. Lahat ba ng mura ay peke? at lahat ng mabibili mo sa mall ay orig?
Bakit kaya ganun na lamang ang tingin ng karamihan sa atin sa mga bagay na mura mong nabibili?
Meron pa nga tayong naririnig (madalas): “Lokal lang itong gamit ko e..” o kaya naman ” Pag branded kasi mas matibay.”.
Ganoon ba talaga ang epekto ng komersyalismo sa atin? Lahat ba ng gawang lokal at mura mong nabibili ay mababang uri na?
Nung nakaraan nga, bumili ako ng sapatos sa mall. Yung mura lang ang binili ko at sa isang hindi gaanong sikat na brand. Pagpasok ko kinabukasan sa opisina suot ang aking bagong sapatos, may pumuna sa akin, ” Bagong sapatos a! Pero gawang Marikina lang yan e”. Aray sakit naman nun! napaisip tuloy ulit ako at sinabi na lamang na “Bakit yang ibang branded na sapatos naman e may pagawaan din sa Marikina a.” at sabay dugtong na “ang nagpapamahal lang naman sa branded na gamit e ang pangalan at dahil sa mall ibinebenta.”
Napakasakit isipin na masyado na palang mababa ang tingin ng iba sa mga gawang lokal. Teka ano ba ang masmatibay, lokal o gawang china? Kung tutuusin mas matibay pa nga ang gawa sa Pinas kaysa sa gawang china. Bakit yang mga sapatos na suot nyo ang hindi nyo alam yung iba dyan e galing din sa China pero branded lang.
Kaya, ang kaisipan ko ngayon ay:
1. hindi lahat ng mura ay mababang uri
2. Hindi porke’t lokal ay madaling masira
3. Hindi lahat ng nabibili sa mall ay orig at matibay.
Panapanahon ng Pagkakataon..
November 22, 2009Matagal na rin pala akong hindi nakapagpost… sobrang busy kasi sa trabaho e…
Ibabahagi ko na lang sa inyo ang nareceive kong istorya galing sa aking yahoo groups.. Nakakatuwa na balikan ang mga ganitong alaala lalo na kapag stressed ka..
Si Nanay ay nasa bahay pag-uwi namin galing sa paaralan;
Walang mga bakod at gate ang magkakapit-bahay, kung meron, gumamela lang;
10 sentimos o diyes lang ang baon: singko sa umaga, singko sa hapon;
Merong free ang mga patpat ng ice drop: buko man o munggo;
Pakikinig ng drama sa radio, tulad ng Simatar, Kapitan Radam, mga liham kay tiya Delly… at sa gabi naman ang Gabi ng Lagim;
Tinatakpan ang iyong tenga kapag naririnig mo ang alulong ng aso?;
… Naa-alala mo pa ba?
Mataas ang paggalang sa mga guro at ang tawag sa kanila ay Maestro;
Di binibili ang tubig, at pwedeng maki-inom sa di mo kakilala;
Malaking bagay na ang pumunta sa ilog para mag-picnic, o kaya sa tumana
Grabe na ang kaso pag napatawag ka sa principal’s office, o kaya
malaking kahihiyan kapag bagsak ka sa exams.
Simple lang ang pangarap:
ang makatapos, makapag-asawa, mapagtapos ang mga anak…
Pwedeng iwan ang sasakyan at ibilin sa hindi mo kakilala; wala namang lock ang mga jeep na Willy’s noon.
Mayroon kaming mga laruan na gawa namin at hindi binili: trak-trakan
(gawa sa rosebowl ang katawan at darigold na maliit ang mga gulong),
’sketeng’ (scooter) na bearing na maingay ang mga gulong at de-sinkong pako para sa preno; patining na pinitpit na tansan lang na may 2 butas sa gitna para suotan ng sinulid (pwede pang makipag-lagutan) ;
Sumpak, pilatok, boca-boca, borador, atbp.
Di nakikialam ang mga matanda sa mga laro ng mga bata: kasi laro nga iyon.
Maraming usong laro at maraming kasali:
laste, gagamba, turumpo, tatsing ng lata, pera namin ay kaha ng Philip Morris, Malboro, Champion (kahon-kahon yon!);
May dagta ang dulo ng tinting na hawak mo para makahuli tutubi, nandadakma ka ng palakang tetot, pero ingat ka sa palakang saging dahil sa kulugo;
Butas na ang sakong ng Spartan mong tsinelas - suot mo pa rin;
Namumugalgal ang pundiya ng kansolsilyo mo kasi nakasalampak ka sa lupa.
Sa modernong buhay at sa lahat ng kasaganaan sa high technology.. di ba minsan nangarap ka na rin… mas masaya noong araw!
Sana pwedeng maibalik…
Takot tayo ngayon sa buhay kasi maraming napapatay, nakikidnap,
maraming addict at masasamang loob…
Noon takot lang tayo sa ating mga magulang at mga lolo at lola. Pero ngayon, alam na natin na mahal pala nila tayo kayat ayaw tayong
mapahamak o mapariwara.. Nauna silang nasasaktan pag pinapalo nila tayo…
Balik tayo sa nakaraan kahit saglit…
Bago magkaroon ng internet, computer, at cellphone. Noong wala pang mga drugs at malls. Bago pa nauso ang counter strike
at mga Game Boy.
Tinutukoy ko ang harang taga o tumbang preso kapag maliwanag ang buwan;
Ang pagtatakip mo ng mata pero nakasilip sa pagitan ng mga daliri pag nanonood ka ng nakakatakot sa ‘Mga Aninong Gumagalaw’;
Unahan tayong sumagot sa Multiplication Table na kabisado natin, kasi wala namang calculator;
Pag-akyat natin sa mga puno;
Pagkakabit ng kulambo, lundagan sa kama ;
Pagtikwas o pagtitimba sa poso;
Pingga ang pang-igib ng lalake at may
dikin naman ang ulo ng babae;
Inaasbaran ng mga suberbiyo;
Nginig na tayo pag lumabas na ang yantok-mindoro o buntot-page;
Nai-sako ka rin ba?
O kaya naglagay ka ba ng karton sa pwet para hindi masakit ang tsinelas o sinturon?
…Pamimili ng bato sa bigas;
Tinda-tindahan na puro dahon naman;
Bahay-bahayan na puro kahon;
Naglako ka ba ng ice-candy o pandesal noong araw?
Karera sa takbuhan hanggang maubos ang hininga;
Pagtawa hanggang sumakit ang tiyan;
Meron pa bang himbabao, kulitis at pongapong?
O kaya ang lukaok, susuwi at espada?
Susmaryosep ang nadidinig mo pag nagpapaligo ng bata…
Estigo santo kapag nagmamano.
Mapagod sa kakalaro, minsan mapalo;
Matakot sa ‘berdugo’ at sa ‘kapre’;
Tuwang-tuwa kami pag tinalo ang tinale ni itay kasi may tinola!
Yung crush mo?
Pag recess: mamimili ka sa garapon ng tinapay -alembong, taeng-kabayo o biscocho?
Pwede ring ang sukli ay kending Vicks (meron pang libreng singsing) o kaya nougat o karamel;
Kung gusto mo naman - pakumbo o kaya kariba, mas masaya kung inuyat;
Puriko ang mantika, at mauling na ang mukha at ubos na ang hininga mo
sa ihip kasi mahirap magpa-rikit ng apoy.
Madami pa…
Masarap ang kamatis na piniga sa kamay at lumabas sa pagitan ng daliri para sa sawsawan;
Ang palutong pag isawsaw sa sukang may
siling labuyo;
Ang duhat kapag inalog sa asin; ang isa-sang isubo ang daliri kasi puno na ng kanin…
Halo-halo: yelo, asukal at gatas lang ang sahog;
Sakang ang lakad mo at nakasaya ka kasi bagong tuli ka;
O naghahanap ka ng chalk kasi tinagusan ang palda mo sa eskwelahan;
Lipstick mo ay papel de hapon;
Labaha ang gamit para sa white-side-wall na gupit;
Naglululon ka ng banig pagkagising;
Matigas na almirol ang mga punda at kumot;
Madumi ang manggas ng damit mo kasi doon ka pagpapahid ng sipon, diba? Pwede rin sa laylayan…
May mga program kapag Lunes sa paaralan;
May pakiling kang dala kung Biyernes kasi magi-isis ka ng desk.
Di ba masaya? Naalala mo pa ba?
Wala nang sasaya at gaganda pa sa panahon na yon… Masaya noon at
masaya pa rin tayo ngayon habang ina-alaala iyon…
Di ba noon… ang mga desisyon ay ginagawa sa awit na ’sino ba sa
dalawang ito? Ito ba o ito?’ Pag ayaw ang resulta di ulitin: ’sino ba sa
dalawang ito? Ito ba o ito?’…
Awit muna: ‘Penpen de Serapen, de kutsilyo, de almasen. How, how the
carabao batuten…’
Presidente ng klase ay ang pinakamagaling, hindi ang pinaka-mayaman;
Masaya na tayo basta sama-sama kahit hati-hati sa kokonti;
Nauubos ang oras natin sa pagku-kwentuhan, may oras tayo sa isat-isa;
Naaasar ka kapag marami kang sunog sa sungka, kapag buro ka sa
pitik-bulag o matagal ka ng taya sa holen;
Yung matatandang kapatid ang pinaka-ayaw natin pero sila ang
tinatawag natin pag napapa-trouble tayo;
Di natutulog si Inay, nagbabantay pag may trangkaso tayo;
Meron tayong skyflakes at Royal sa tabi at pahihigupin ng mainit na Royco.
Kung naaalaala mo ito…
nabuhay ka na sa KAPAYAPAAN!
Pustahan tayo nakangiti ka pa rin!
Kung naka-relate ka sa lahat ng nabanggit sa itaas, ibig sabihin lang niyan ay….
…MATANDA ka na!
he he he…
pero kung hindi ka maka-relate, padala mo na lang sa akala mo ay
kapanahunan nya ito para maalala din niya at mangiti rin siya.
PILIPINAS at ang Kinabukasan
September 15, 2009Nais ko lamang ishare ang kwentong ito na aking nareceive through e-mail galing sa isang kaibigan. Kahit na hindi direktang sinasabi sa kwentoIto, ito ay tumatalakay sa kasalukuyang kalagayan ng ating bansa .
Sana’y sa tulong ng kwentong ito kahit papaano ay magising ang mga natutulog na damdaming makapilipino ng iba nating mga kababayan na nawalan na ng pag-asa sa ating bansa…
(wag po sanang ma-offend sa titulo ng kwento… tnx)
ISTORYA NG PUTA…
Tingin ng mga bobong kapitbahay ko puta daw ako.
Nagpapagamit, binabayaran. Sabi nila ako daw ang
pinakamaganda at pinakasikat sa aming lugar noon.
Ang bango-bango ko daw, sariwa at makinis. Di ko
nga alam kung sumpa ito, dahil dito naletse ang
kinabukasan ko.
Halika at makinig ka muna sa kwento ko.
Alam mo, maraming lumapit sa akin, nagkagusto,
naakit. Sikat ka sa lahat, virgin eh! Tinanggap ko
naman silang tao, bakit kaya nila ako ginago?
Masakit alalahanin, iniisip ko na lang na kase di
sila taga rito, siguro talagang ganoon. Tatlong
malilibog na foreigners ang namyesta sa katawan ko,
na-rape daw ako?
Sa tatlong beses akong nagahasa, ang pinakahuli ang
di ko makakalimutan. Parang maski di ko ginusto ang
mga nangyari, hinahanap-hanap ko siya. Tinulungan
nya kasi akong makalimutan yung mga sadistang Hapon
at Kastilaloy. Kase, ibang-iba ang hagod niya.
Umiikot ang mundo ko sa tuwing ginagamit niya ako.
Ibang klase siya mag-sorry, lalo pa at kinupkop niya
ako at ang mga naging anak ko.
Parating ang dami naming regalo - may chocolates,
yosi, at ano ka… may datung pa! Nakakabaliw siya,
alam kong ginagamit nya lang ako pero pagamit naman
ako nang pagamit. Sa kanya namin natutunan
mag-Ingles, di lang magsulat ha! Magbasa pa!
Hanggang ngayon, sa tuwing mabigat ang problema ko,
siya ang tinatakbuhan ko. ‘Yun nga lang, lahat ng
bagay may kapalit. Nung kinasama ko siya, guminhawa
buhay namin. Sosyal na sosyal kami.
Ewan ko nga ba, akala ko napapamahal na ako sa
kanya. Akala ko tuloy-tuloy na kaligayahan namin,
yun pala unti-unti niya akong pinapatay. P*** ng
I**! Sa dami ng lason na sinaksak niya sa katawan
ko, muntik na akong malaspag. Ang daming nagsabi na
ang tanga tanga ko. Patalsikin ko na daw. Sa
tulong ng mga anak ko, napalayas ko ang animal pero
ang hirap magsimula.
Masyado na kaming nasanay sa sarap ng buhay na
naranasan namin sa kanya. Lubog na lubog pa kami sa
utang, kulang ata pati kaluluwa namin para ibayad sa
mga inutang namin.
Sinikap naming lahat maging maganda ang buhay namin.
Ayun, mga nasa Japan, Hong Kong, Saudi ang mga anak
ko. Yung iba nag-US, Europe. Yung iba ayaw umalis
sa akin. Halos lahat, wala naman silbi, masaya daw
sa piling ko, maski amoy usok ako.
Sa dami ng mga anak ko na nagsisikap na tulungan ang
kalagayan namin, siya din ang dami ng mga anak ko na
namamantala sa kabuhayan at kayaman na itinatabi ko
para sa punyetang kinabukasan naming lahat.
Dumating ang panahon na di na kami halos makaahon sa
hirap ng buhay. Napakahirap dahil nasanay na kami
sa ginhawa at sarap.
Ang di ko inaakala ay mismong mga anak ko, ang
tuluyang sisira sa akin. Napakasakit tanggapin na
malinlang. Akala ko ay makakakita ako ng magiging
kasama sa buhay sa mga ahas na ipinakilala ng mga
anak ko. Hindi pala. Ang tanga ko talaga. Binugaw
ako ng sarili kong mga anak kapalit ng kwarta at
pansamantalang ginhawa na nais nilang matamasa.
Wala na akong nagawa dahil sa sobrang pagmamahal ko
sa aking mga anak. Wala akong ibang yaman kundi
ganda ko. Pinagamit ko na lang ng pinagamit ang
sarili ko, basta maginhawa lang ang mga anak ko.
Usap-usapan ako ng mga kapitbahay ko. May
nanghihinayang, namumuhi at naaawa. Puta na kase
ang isang magandang tulad ko.
Alam mo, gusto ko na sanang tumigil sa pagpuputa
kaso ang laki talaga ng letseng utang ko eh. Palaki
pa ng palaki. Kulang na kulang. Paano na lang ang
mga anak ko naiwan sa aking punyetang puder? Baka
di na ako balikan o bisitahin ng mga nag-abroad kong
mga anak. Hindi na importante kung laspagin man ang
ganda ko, madama ko lang ang pagmamahal ng mga anak
ko. Malaman nila na gagawin ko ang lahat para sa
kanila.
Sa tuwing titingin ako sa salamin, alam ko maganda
pa rin ako. Meron pa din ang bilib sa akin.
Napapag usapan pa din. Sa tuwing nakikita ko ang
mukha ko sa salamin, nakikita ko ang mga anak ko.
Tutulo na lang ang mga luha ko ng di ko namamalayan.
Ang gagaling nga ng mga anak ko, namamayagpag kahit
saan sila pumunta. Mahusay sa kahit anong gawin.
Tama man o mali. Proud ako sa kanila. Kaso sila,
kabaligtaran ang nararamdaman para sa akin.
Sa dami ng mga anak ko, iilan lang ang may malasakit
sa akin. May malasakit man, nahihilaw. Ni di nga
ako kinikilalang ina. Halos lahat sila galit sa
isa’t isa. Walang gusto magtulungan, naghihilahan
pa. Ang dami ko ng pasakit na tiniis pero walang
sasakit pa nung sarili kong mga anak ang nagbugaw sa
akin. Kinapital ang laspag na ganda ko. Masyado
silang nasanay sa sarap ng buhay. Minsan sa
pagtingin ko sa salamin, ni hindi ko na nga kilala
ang sarili ko.
Dadating na naman ang pasko, sana maalala naman ako
ng mga anak ko. Ilang buwan pa, magbabagong taon
na. Natatakot ako sa taong darating. Ngayon pa
lang usap usapan na ang susunod na pagbubugaw ng
ilan sa mga anak ko. Sana may magtanggol naman sa
akin, ipaglaban naman nila ako. Gusto kong isigaw:
”INA NINYO AKO! MAHALIN NYO NAMAN AKO!”
Salamat ha, pinakinggan mo ako.
Ay sorry, di ko pala nasabi….
PILIPINAS nga pala pangalan ko!
Anino: Ang nakatagong galit
August 25, 2009Lahat tayo ay nakararamdam ng galit. Kung minsan, ang galit na ating nararamdaman ang nagiging sanhi upang mawala tayo sa tamang pag-iisip at gumawa ng mga bagay na labag sa kautusan ng panginoon. Ang kadalasan pa, mahirap ng burahin ang galit sa ating mga puso at isipan kahit na sabihin natin na nakalimutan na natin ang dahilan.
Ang sumusunod na tula (ang totooy sinulat ko ito as a rock song pero hindi naman ako marunong maglapat ng tugtog kaya tula na lang.. hehe) ay naisulat ko noong ako ay may kinikimkim na galit sa aking puso’t isipan. Hindi ko namamalayan na unti-unti pala akong nakabuo ng isang awitin/tula mula sa aking nararamdaman…
ANINO
Sa aking pag-iisa’y ramdam ko ang iyong presensya
Di man aninag, alam na nariyan ka
Unti-unti, dahan-dahan ako’y iniimpluwensyahan
Ako’y alipin sa mundong iyong likha
Sa mga nais mo ako’y napariwara
Mga salita’y patalim na unti-unting
kumikitil sa puso at diwa.
Ikaw ay isang anino!
Aninong nag-aalis ng katinuan sa aking pag-iisip.
Ikinukubli ang katotohanan…
na ang panaho’y lumipas na!
Minsa’y mga kasinungalingan,
Kasinungalingang lumalasaon sa isipan.
Mga bagay na di naman nararapat
ngunit binibigyang kulay ng labing mapagpanggap..
Ang tuwid naibabaluktot
Ang baluktot naitutuwid
Pagkat anumang naisi’y nahahangad…
Salamat sa iyo, BALIW NA AKO!!
Saan ka man magtago; Saan ka man magtungo
Ika’y hindi na makaiiwas pa…
Youth Encounter: Encountering God through Youth Fellowship
August 10, 2009Matagal na rin pala ng kami ay nagkaroon ng Youth Encounter (YE). It happened during my last year in Meralco Foundation Institute (now MFI Technological Institute) way back 2007. It was part of our school’s way of developing our emotional and spiritual growth.
It lasted for 2 days (nakulangan pa nga kami). We were put in total isolation from the busy world of the City and as far as I know, it was somewhere in Trese Martires in Cavite.
Our YE was one of the memorable times in my life. Hindi lamang nadagdagan ang aming pagkakakilala sa isat-isa, nagkaroon din kami ng pagkakaisa. Naging mas malapit din kami sa panginoon. Sa kabila ng mga simpleng activities, malaki ang naitulong ng mga aral na hatid nito sa amin..
Ang sumunod na tula ay gawa ko ilang araw pagkatapos ng aming Youth Encounter.
Nariyan ka
Ang akala ko
Ako ay nag-iisa
Na sa mundong ito’y
walang kasama
Nag-iisa ako sa mga
bagyong dumadaan
Sa dilim ng gabi
naglalakad ng luhaan..
Ngunit ng dahil sa iyo
Lahat ay nagbago
Unti-unting lumiwanag
ang aking mundo.
Na sa mga problema
ay laging kasama
Handang makinig at dumamay
sa oras na kailangan.
Ipinabatid mo sa akin
na ako’y may halaga rin
Na may nagmamahal at
may nagpapahalaga.
Ako ngayon ay masaya
sapagkat nariyan ka
Alam kong ako’y di iiwan
kahit pa magpakailanman.
Discovering Tiwi
July 30, 2009Dala na rin ng aking trabaho as a systems engineer, i once again revisited the town of Tiwi in Albay, Bicol Province. Our stay could have only lasted for four (4) days, but due to some unexpected problems, our stay lasted for a whole month. Actually, hindi iyon ang unang beses kong pagpunta sa bayan ng Tiwi. If my memory serves me right, it was my third.
Tiwi is a quiet and peaceful town. Sa umaga, busy ang mga tao lalo na ang mga papasok sa kanya kanyang trabaho at eskwuela. Makikita mo na karamihan sa mga taong nasa kalsada ay yaong mga estudyante na nagmamadali sa pagpasok sa kanilang paaralan. Sa hapon naman, ang kanilang Municipal Hall Quadrangle ay napupuno ng mga estudyante na nais maglaro at makipagbonding sa kanilang mga kaibigan.
Malapit na rin pala ang fiesta sa bayan na ito.. buong buwan ng August ang selebrasyon. Ang kanilang fiesta ay ang CORON Festival na hango sa salitang CORON na ibig sabihin daw ay palayok na gawa sa Clay. Maraming activites ang nakalinya tulad ng Airsoft COmpetition, Beauty Pageant, Quiz bee at ang Grand Parade. Sayang nga at hindi kami umabot sa kanilang fiesta. Marami pa naman ang nag-iimbita sa amin (nagpapatunay na ang mga tao sa Tiwi ay mababait).
Malamang ay bumalik pa kami sa Tiwi pero for now, balik na ulit ako sa mga gawain ko sa magulong mundo ng Metro Manila…
Thoughts on Death
June 26, 2009
Naisip ko, pag may namamatay na isang tao, ilang araw lang ay tiyak na malilimutan na sya. Tanging ang kanyang pangalan na lmang ang maalala kapag araw ng mga patay. Ngunit ang mga alaala nya ay mababaon na sa limot.
Sabihin na nating mamatay ang isang tao ngayon, lahat ng kakilala nya, katrabho, kaibigan, kamag-anak aalalahanin lahat ng masasayang oras kasama ang taong iyon ngunit paglipas ng mga araw, babalik din sa kaniya kaniyang buhay ang mga taong ito na tila ba walang nangyari. Malilimutan na nilang minsan ay nabuhay ang taong ito. Saglit lang at mabubura na ang lahat ng alaala niya.
Ganoon lang pala kasimple ang buhay. Mawala ka man ngayon, bukas makalawa limot ka na. Tila nakalulungkot lamang isipin na ganoon talaga ang buhay.
Ang sabi nga nila, tayo ay dumadaan lang sa mundong ito.
Pilipinas: Bayan Mo, Bayan Ko
Isinulat ko ang tulang ito mahigit isang taon na ang nakakalipas. Iyon ang mga sandaling ang digmaan sa Mindanao at ang labanan sa kongreso ang naghahari sa mga headlines ng dyaryo at mga telebisyon. Maaaring mahigit isang taon na ang lumipas ng maisulat ko ito ngunit hanggang ngayon ay nananatiling ganito ang kalagayan ng ating bansa. Tanging ang panahon na lamang ang makapagsasabi na muli tayong magiging malaya…
PILIPINAS
Wala na bang pag-asa
ang bayan kong ito?
Mga kaguluha’y di na matapos
Pagkakaisa hindi na makamit
Bawat araw masasama ang bumabandera
sa TV, sa radyo maging sa dyaryo.
Kailan kaya matatapos
ang kaguluhang sa Mindanao ay bumabalot?
Alitang di alam kung saan nagmula
Pag-asang kapayapaan tuluyan bang nawala?
Pilipinas! Kailan kita makikitang malaya?
Kailan kita makikitang mapayapa?
Kailan pa kaya mawawala ang mga
luhang sa iyong mga mata’y nagbabadya..
Bakit ba halos lahat ng problema nasa iyo na?
Sadya bang iginuhit na ng tadhana
na ikaw ay magkaganito?
Paano na ang mga adhikaing ipinaglaban?
Atin na lamang ba itong kakalimutan?
Pilipinas… Mahal kong Pilipinas…
Yes to RH Bill!!
June 13, 2009Nakita ko na naman yung ad ng mga simbahan na nagsasabi na “yes to life no to RH bill”. Personally, hindi ako pabor na hindi maipasa ang RH bill (Use of artificial birth control methods such as condoms and pills). Just to think of it, kung hindi ito maisasabatas, higit pang dadami ang bilang ng mga tao dito sa Pilipinas. At iisa lang ang ibig sabihin kapag sobra na ang bilang ng mga tao: kakulangan sa pagkain, trabaho, at lugar na tirahan.
Kung papansinin natin, kung sino pa ang mga taong walang sapat na kakayanang bumuhay ng pamilya ay siya pang may maraming mga anak. Makikita nyo ito sa mga squatters area na kung saan halos bawat tahanan ay may lima o higit pang mga anak. Para bang ang tanging libangan nila ay ang gumawa ng mga anak…
At ano ang nagiging epekto nito? Dumarami ang mga bata sa lansangan na sa kabila ng kanilang kamusmusan ay natututo ng maghanapbuhay at ang ilan naman ay natututo na ring gumamit ng ipinagbabawal na gamot. Ang mga magulang naman ay nagrereklamo o kaya ay dumadalo sa kung anu-anong rally dahil wala daw silang makain at maayos na tirahan. Ang iba naman ay nagkakasya na lamang sa palakadlakad sa kalye na kung saan abutin ng antok ay doon matutulog.
Kung ating pag-aaralang mabuti, OVER POPULATION ang isa sa mga sanhi kung bakit hanggang sa ngayon ay nananatiling mahirap ang ating bayan. Maaaring ngawa ng ngawa ang mga tao na wala silang makain pero kung titingnan mo ay sila din ang may kasalanan dahil sa wala na nga silang trabaho ay marami pa ang kanilang mga anak..
Overall, isa ang over population kung bakit nais kong maisapasa ang RH bill. At ang isa pa ay hindi naman ito tuluyang lumalabag sa mga nakasulat sa bibliya. Ang sabi nga ay dapat ang ating iniisip ay “for the benefit of the common good”. At higit na makabubuti hindi lang sa atin kundi sa bayan na rin natin kung maipapasa ang RH Bill.


